Pagbaba sa clustering sa kaso ng COVID-19 kailangan bago maisailalim sa MGCQ ang Metro Manila

Naniniwala ang Department of Health (DOH) na kailangan munang magkaroon ng pagbaba sa clustering sa mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at mapaluwag pa ang mga pagamutan bago tuluyang maisailalim ang National Capital Region (NCR) sa mas maluwag na Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Ang pahayag ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod nang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi na panatilihin pa sa General Community Quarantine (GCQ) ang rehiyon sa buong buwan ng Oktubre.

Sang-ayon naman ang DOH sa desisyon ng pangulo.

Binigyang-diin ni Vergeire na dapat na mapababa ang clustering ng sakit at higit pang ma-decongest ang mga pagamutan sa Metro Manila upang maging handa ang mga naturang pasilidad, sakaling magkaroon muli ng pagdami ng mga kaso ng sakit.

Ipinaliwanag pa niya na bagamat sa ngayon ay nakikitaan na nila ng downward trend ang naitatalang COVID-19 cases sa Metro Manila, at nagkakaroon na rin ng pagbabago sa health system capacity sa rehiyon, ay nakakapagtala pa rin sila ng clustering ng COVID-19.

Nitong Lunes, iniulat ng DOH na mayroon silang namonitor na 2,075 clusters ng COVID-19 cases sa buong bansa.

Nabatid na ang 84% o 1,749 ng mga clusters ay matatagpuan sa mga komunidad, 105 sa mga healthcare facilities, 36 sa mga bilangguan, at 185 sa iba pang settings.

Ang mga rehiyon umano na may pinakamaraming bilang ng clustering ay ang NCR, Region 4A, Region 7, at Region 3.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.