SISIMULAN na sa Enero 2022 ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin sa halalan sa susunod na taon, ayon ito sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ang pahayag ni Comelec Dir. Teopisto Elnas kung saan ang “printing of ballots” ay gagawin sa pagitan ng Enero 12 hanggang Abril 25, 2022.
Ang mga balota naman na mai-imprenta ay ilalagak sa isang warehouse ng Comelec sa Pasig City.
Ini-ulat din ni Elnas na noong Nobyembre 27, karamihan sa vote counting machines o VCMs na gagamitin sa eleksyon ay “refurbished” na.
Mula sa mahigit 97,000 VCMs, mahigit 76,000 ang maituturing na “good” habang ang iba ay “repaired.” Samantala, nasa 334 naman ang “quarantined,” ayon kay Elnas.
Samantala, binanggit rin ni Elnas na magkakaroon ng “training” para sa mga personnel na idedeploy sa Eleksyon 2022.
Para sa “trainers,” gagawin ito sa Disyembre 8 hanggang 16. Para naman sa (Department of Science and Technology (DOST) certifiers ay sa Disyembre 17, habang Disyembre 18 hanggang 20, 2021 ay para sa field personnel.