Halalan 2022, itutuloy pa rin kahit may “surge” ng kaso ng COVID-19 — Comelec

Share this information:

TULOY pa din ang pagdaraos ng Eleksyon 2022 kahit pa magkaroon muli ng “surge” ng mga kaso ng COVID-19 o may banta ng mga bagong variant.

Ito ang pahayag ni Commission on Elections (Comelec) Dir. Teopisto Elnas sa ginanap na online forum ng National Movement for Free Elections (NAMFREL), kasunod na rin ng binabantayang bagong variant ng COVID-19 na “Omicron.”

Sinabi ni Elnas na mandato ng Comelec na idaos ang eleksyon “as scheduled” o alinsunod sa itinakdang petsa, gaya ng eleksyon sa Mayo 9, 2022.

Pagtitiyak ni Elnas, gagawin ng Comelec ang lahat ng makakaya nito upang maayos at ligtas na maidaos ang eleksyon, sa kabila ng mga hamon o posibleng pagdaming muli ng mga kaso ng COVID-19.

Patuloy ang koordinasyon ng Comelec sa Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) ayon kay Elnas bilang bahagi ng paghahanda kung sakaling magkaroon ng “abnormality” o surge sa mga kaso ng COVID-19 sa anumang lugar sa bansa upang agad na matugunan ang sitwasyon.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Elnas na isinasapinal na ang “contingency plans” para sa Eleksyon 2022 kung saan kasama ang mga hakbang para sa ligtas na botohan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.