NAKUMPISKA ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark ang nasa 4,976 piraso ng Ecstasy o “Party Drugs” na aabot sa halagang P 8.5 milyon sa Las Pinas City.
Sa ulat ngayong Miyerkules ng BOC, naaresto rin ang claimant ng party drug sa isang controlled delivery operation nitong Disyembre 7.
Idineklara umanong “Lamp” ang shipment mula Brussels, Belgium ngunit pinaghinalaang ilegal na droga sa x-ray scanning.
Sa ginawang physical examination, natuklasan na nakalagay sa isang lampara ang anim na transparent plastic pouches na naglalaman ng 4,976 piraso ng pink at gray-colored tablets na hinihinalang Ecstasy.
Nai-turn over na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa chemical laboratory analysis ang ilegal na droga na itinuturing na isang dangerous drug sa ilalim ng R.A. No. 9165.
Naglabas na rin ng Warrant of Seizure and Detection si District Collector Alexandra Lumontad laban sa shipment para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Hindi naman pinangalanan ng BOC qng claimant dahil sa posibleng may iba pang mga sangkot pa sa pagpapakalat o paggamit ng nasabing ilegal na droga.
Ayon sa BOC, ito na ang ikapitong major drug apprehension ng Port of Clark ngayong 2021 kung saan umabot na sa P53.5 milyong halaga ng ilegal droga ang nasabat.