ISINUSULONG ni District 1 Councilor Rovin Andrew Feliciano ng Valenzuela City na mabigyan ng malawakang proteksyon ang hanay ng mga tricycle driver at operator at matugunan ang kanilang malalim na suliranin, kabilang ang kawalan ng karampatang health insurance.
“Nakakalungkot isipin na ang sektor ng TODA ay underrepresented. Nararapat lamang na bigyan natin sila ng boses sa Kongreso,” sabi ni Feliciano.
Labis siyang nag-alala sa pagdadalamhati ng mga naiwang kamag-anak ni Norberto Pinuela, 65 anyos, na nasawi matapos banggain ang kanyang minamanehong tricycle at tumilapon sa ilog ng Lambingan Bridge, Barangay Concepion, Malabon City.
Personal na binisita ng konsehal ang pamilya ni Pinuela sa kanilang tahanan sa Barangay Catmon, Malabon upang iabot ang munting ayuda na nagkakahalaga ng P20,000 at ang kanyang taos-pusong pakikiramay.
“Nakakalungkot na isipin na si Mr. Pinuela ay wala man lang SSS (Social Security System) o anumang health insurance,” dagdag pa nito.
Labis siyang nangamba nang malaman sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority na limang tricycle driver sa loob ng isang araw ang nagiging biktima ng aksidente sa daan.
“Araw-araw, ang ating mga driver ay nakaharap sa panganib at pakikisalamuha sa iba’t ibang tao lalo na sa panahon ng COVID-19,” diin niya.
Noon lamang Lunes, tumilapon si Pinuela sa ilog at dead on the spot ang kanyang pasaherong si Novelina Esto, 54 anyos, matapos silang banggain ng isang SUV na minamaneho ni Kim Russel Sioco sa kahabaan ng Lambingan Bridge.