ILANG indibidwal, kasama ang isang barangay tanod, ang timbog kagabi matapos silang maaktuhan na nag-aabutan ng ilegal na droga sa Quiapo, Maynila.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Station 3 commander P/Lt. Col. John Guiagui ang suspek na si Luz Mayes na sinasabing lider ng operasyon, at nahaharap ngayon sa kasong pagbebenta ng ilegal na droga
Ang iba pang papasok sa kulungan ay isang barangay tanod na nagngangalang Bobby Swing ng Brgy. 547 Sampaloc, at si Jeffrey Bobis na isang taxi driver mula Norzagaray, Bulacan.
Sinasabing ginagamit ni Bobis ang minamanehong taxi sa paghahatid ng mga droga. Narekober na ng pulisya ang nasabing taxi.
Isa ring menor-de-edad na lalaki ang kasama sa mga nahuli. Nai-turn over na sa Department of Social Welfare and Development ang kinse-anyos na binatilyo na hinihinalang kasama din ng grupo.
Nasa siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 130 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P884,000 ang nakumpiska sa mga naarestong suspek.
Buong kumpiyansang sinabi ng MPD Station 3 na nabuwag nila ang isang grupo na sangkot sa pagpapakalat ng shabu sa lungsod.