AABOT sa P7.87 milyong halaga ng shabu ang nasamsam mula sa dalawang claimants sa Bacoor City sa isinagawang controlled delivery operation ng composite team ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Nadiskubre ang ilegal na droga sa isang kargamento na idineklarang naglalaman ng “unsolicited gift-baby soft toys for personal use” na dumating noong Setyembre 26 mula Victoria, London.
Sumailalim ito sa x-ray at physical examination kung saan natuklasan ang dalawang piraso ng headdress (sumbrerong may disenyo ), isang piraso ng liham at isang yellow-green plastic bag na naglalaman ng dalawang pirasong Star Wars Mandalorian Plush Toy.
Ang bawat item ay may tatlong kulay asul na plastic na naglalaman ng white crystalline powder o methamphetamine hydrochloride base sa positibong resulta ng isinagawang pagsusuri ng K9 at PDEA.
Kakasuhan naman base sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga claimants.

Samantala, isang pasahero naman ang iniulat ng BOC nitong Martes na naharang ang kanyang bagahe dahil sa natagpuang P19.6-milyon halaga ng cocaine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Isinagawa ang operasyon kasunod ng tip na natanggap ng BOC NAIA at PDEA agents mula sa kanilang pinagkakatiwalaang impormante.
Dumating ang pasahero mula sa Doha, Qatar sa pamamagitan ng Qatar Airways QR 932 na nagmula sa Brazil bilang port of origin.
Isinailalim sa K9, x-ray at 100 percent thorough physical examination ang bagahe ng pasahero na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 3.7 kilo ng cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng P19,610,000.
Kinilala ang suspek na si Stephen Joseph Szuhar, isang Amerikano, na kakasuhan ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(PHOTO CREDIT: BOC Facebook page)

