TINATAYANG aabot sa P135.09 milyon ang partial cost ng pinsala sa mga national road, tulay at mga flood-control structure dahil sa paghagupit ng bagyong Karding, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ngayong Miyerkules, Setyembre 28, 2022, ang pagtatasa ng pinsala sa mga kalsada ay umabot na sa P34.71 milyon, sa mga tulay ay P22.39 milyon, at flood-control structure na umabot naman sa P77.99 milyon.
Ang naiulat na gastos ay isasailalim sa field validation.
Sa mga lugar, ang pinsala sa imprastraktura Cordillera Administrative Region ay nasa P19.6 milyon; P9.11 milyon sa Region 2; P91.38 milyon sa Region 3; P3 milyon sa Region 4-B at P12 milyon sa Region 6.
Samantala, limang national road section naman ang nananatiling sarado sa trapiko.
Kabilang rito ang Kennon Road sa Benguet; Cabagan-Sta. Maria Overflow Bridge sa Isabela; Nueva Ecija-Aurora Road, Diteki River Detour Road; Baliwag Candaba – Sta. Ana Road, Brgy. San Agustin, Candaba, Pampanga; Hamtic-Bia-an-Egaña- Sibalom Road, Egaña Bridge sa Brgy. Egaña-Buhang, Sibalom, Antique.
Limitado naman ang access sa tatlong kalsada kabilang ang Gapan Ft. Magsaysay Road, Brgy. Padolina, General Tinio na maaari lamang daanan ng mga light vehicles dahil sa mga bumagsak na electric post.
Ang Candaba-San Miguel Road sa Pampanga na maaari lamang daanan ng malalaking sasakyan dahil sa baha at ang Angeles-Porac-Floridablanca Dinalupihan Road, Mancantian Bridge sa Pampanga na halos hindi madaanan ng mga light vehicles dahil lamang sa pagbaha.

