P228-M halaga ng smuggled imported na asukal, nasamsam ng BOC

Share this information:

NASAMSAM ng Bureau of Customs (BOC) nitong Lunes ang 76 na container ng refined sugar na nagkakahalaga ng P228 milyon mula sa Thailand matapos mabigo ang consignee na magpakita ng import clearance mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA).

Pinangunahan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang mga ahente ng BOC sa pag-inspeksyon sa mga container matapos hilingin ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) na mag-isyu ng Alert Order noong Oktubre 4.

Base sa intelligence reports, dumating ang kargamento sa MICP noong Setyembre 24 na naglalaman ng “misdeclared and undeclared” items. 

Dahil dito, nag-isyu ang BOC ng dalawang  Warrants of Seizure and Detention laban sa kargamento dahil sa paglabag sa Section 117 at 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Sinabi ni Ruiz na desidido ang BOC na itigil ang anumang aksyon na makakaapekto ng masama sa presyo ng asukal sa merkado, lokal na produksyon, at ang epekto nito sa mga manggagawa at mamimiling Pilipino.

I’m proud of what our team has done in this case. They didn’t let this attempt to change consignees go through and were fast on their feet in making sure we stop another shipment from entering our local markets,” saad ni Ruiz.

Sinabi ni CIIS Director and concurrent Intelligence Group (IG) OIC Deputy Commissioner Jeoffrey Tacio na nagkaroon ng paunang impormasyon tungkol sa katayuan ng kargamento bilang naglalaman ng “misdeclared” at “undeclared” goods.

Iniulat ni CIIS-MICP Chief Alvin Enciso ang pagtatangka ng consignee na palitan ang pangalan nito noong Oktubre 10 matapos matanggap ang kahilingan para sa pagpapalabas ng alert order sa District Collector’s Office noong Oktubre 4.

Ikinatuwa ni Ruiz ang pinakahuling operasyon ng BOC, partikular ang pagharang sa tangkang pag-iwas sa batas at pagpapalit ng kargamento.

Ang operasyon ay bahagi ng marching order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa BOC na itigil ang lahat ng uri ng smuggling at iba pang customs fraud sa bansa.

(PHOTO CREDIT: Bureau of Customs)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.