P204k halaga ng shabu, nasabat sa isang lalaki sa Valenzuela

Share this information:

KULUNGAN ang babagsakan ng isang hinihinalang tulak ng pagtutulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr., ang naarestong suspek ay si Ronald Sevadera alyas “Bulalo,” 42 anyos ng 1194 Bitik St., Brgy. Gen. T. De Leon.

Ayon kay Col. Destura, dtakong alas-3:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa Bambi St. Brgy. Gen. T. De Leon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa pagbebenta umano ng droga ng suspek.

Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P8,500 halaga ng shabu at nang tanggapin niya ang marked money mula sa poseur-buyer ay agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto si Sevadera.

Sinabi ni PSSgt. Ana Liza Antonio, nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang sa 30 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P204,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 8 pirasong P1,000 boodle money at cellphone.

Kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ngayon ng suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.