SA pagtatapos ng kasalukuyang taon, target ng Bureau of Customs (BOC) na makakalap ng P100 bilyon na “surplus” o sobrang koleksyon sa kanilang target.
Ito ay makaraang malampasan ng BOC ang target nilang koleksyon para sa 2023 na P721.52 bilyon nang makakolekta na ng P745.50 bilyon ngayong Nobyembre, na mas mataas na ito ng P3.27 percent.
“Ang kinokolekta na po natin ngayon simula noong nakaraang Lunes hanggang sa kasalukuyan ay surplus collection performance na ng Bureau,” pagmamalaki ni BOC spokesperson Arnaldo Dela Torre.
“Ito ay magandang mensahe na pinapadala natin sa ating mga kababayan na hindi ho kami titigil. Kahit nakuha na ang target para sa buwan ng Nobyembre at Disyembre ay kukunin pa rin natin ang assigned revenue collection target,” dagdag niya.
Inaasahan ng BOC na aabot sa kabuuang P800 hanggang P900 bilyon ang magiging koleksyon nila sa pagtatapos ng Disyembre.
Itinuro niya ang mataas na rekord sa maayos na performance ng kanilang mga collection districts mula Enero, sigla ng mga empleyado, at partisipasyon umano ng lahat ng mga stakeholders at mga importers.