IPINALIWANAG ng tagapagsalita ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang itinakdang “entrance fee” sa bagong Manila Zoo kasunod ng mga reklamo at panawagan na gawin itong mas mura.
Sa panayam ng grupo ng Manila City Hall Press Club kay Atty. Princes Abante, dapat aniyang maintindihan na may upkeep ang zoo.
“Kahit kayo may mga pets na aso o pusa alam nyo kung gaano kamahal mag-alaga,” saad ni Atty. Abante.
Ayon pa kay Atty. Abante, ang entrance fee ay kailangan upang magkaroon ng pagpapanatili sa income para mapangalagaan ang mga hayop bukod pa sa na-rehabilitate ang Manila Zoo.
“We need to make sure na mamaintain yung upkeep– yung ganda ng Manila Zoo and number two napakamahal mag-alaga ng mga hayop, magagandang mga hayop ang nakuha natin ngayon,” dagdag pa niya.
Kumpara naman sa ibang nga zoo, sinabi ni Atty. Abante na maaari nang mag-compete ang Manila Zoo sa Clark Zafari.
Kailangan din aniyang tanggapin na hindi kayang ilibre dahil ang pagpasok sa zoo dahil baka magreklamo ang animal rights group dahil hindi napapangalagaan ang mga hayop sa Manila Zoo.
“So we need to balance it. This is not for profit eh, this is for maintenance,” giit pa ng tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna.
Pagdating naman sa mga field trips, posible aniyang may arrangements pero sa ngayon sa ilalim ng ordinansa ay P150 para sa Manilenyo, bata at adult, P300 para sa non-Manilans, ang mga estudyante ay may discount ng P100 para sa Manilans, magiging P200 na lamang para sa non-Manilans, 20-percent discount para sa senior para sa parehong rates, at ang mga bata na 2 feet below ay libre.
Hindi rin libre o walang discounts para sa mga miyembro ng media pero gayunman, sinabi ni Atty. Abante na maaari pang baguhin ang ordinansa.