ISANG panukalang batas ang inihain sa Kamara na layong patawan ng mabigat na parusa ang sinumang mang-abuso, magsamantala at magdiskrimina sa mga bata.
Layunin din ng House Bill 226 na inihain ni Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman na amiyendahan ang Republic Act 7610 o ang “Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act”.
Nakasaad sa panukala, multa o pagkabilanggo ng 14 hanggang 17 taon ang parusang ipapataw sa sinumang indibiduwal na magsasamantala, gagamit, hihikayat, o pupuwersa ng isang bata sa malaswang gawain o na magmodelo sa isang mahalay na pahayagan at ang pagbenta o pamamahagi nito.
Kung wala pa sa edad na 12 ang batang biktima, 30 taon at isang araw hanggang 40 taon ang pagkakabilanggo ng maysala.
Ang sinumang mahuling indibiduwal na kasama ang isang menor de edad, 12 taong gulang at pababa o 10 taon at mahigit na mas bata sa kanya sa pampubliko o pribadong lugar (hotel, motel, beer joint, discotheque, cabaret, atbp.) ay parurusahan ng 14 taon, 8 buwan at isang araw hanggang 17 taon at 4 buwan, dagdag pa rito ang multang hindi bababa sa P500,000.
Gayunpaman, hindi sakop ng panukala ang sinumang indibiduwal na kamag-anak ng bata hanggang sa fourth degree of consanguinity o affinity o anumang katibayan na kinikilala ng batas.
May probisyon din ang panukala sa sinumang indibiduwal na magpipilit sa isang batang lansangan na mamalimos o gagamit sa kanila bilang isang middleman sa pagtutulak ng droga at iba pang iligal na gawain. Mabibilanggo mula 12 taon at isang araw hanggang 30 taon ang mga mahuhuli, batay sa panukala.
Hinggil sa child labor, parurusahan ang lumabag ng isa hanggang anim na taon, at multang hindi bababa sa P100,000 hanggang P400,000 sa pagpapasya ng hukuman.
May probisyon din ang panukala sa diskriminasyon, partikular sa mga batang nabibilang sa indigenous cultural communities.
Pantay na pagkakataon ang isinusulong ni Roman para sa lahat ng Pilipino. Para sa kanya, ang pagkapantay-pantay sa pagtrato ng mga indibiduwal na walang hadlang, maling pananaw, kagustuhan, maliban ito’y may pagkakaiba at malinaw na makatwiran.
Matatag na naninindigan at bukas ang mambabatas sa pagsulong ng pagkakataon para sa lahat ng Filipino na walang kinikilingan sa kayamanan, katayuan o pagiging miyembro ng isang ma-impluwensiyang grupo.