MAHIGPIT nang susuriin at tatanggihan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga “overage” na kandidato na nagnanais tumakbo at balak magsumite ng certificate of candidacy (COC) para sa darating na halalan para sa Sangguniang Kabataan (SK).
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, marami ang nakakalusot at gumagawa nito dahil batid nilang maraming kasong hinahawakan ang Comelec at hindi agad nareresolba.
Upang maiwasan ito, binalaan ni Garcia ang mga nagbabalak na magpalusot dahil kanila nang mahigpit na susuriin ang mga detalye ng kandidato sa pagpapasa pa lamang ng COC.
“We can now refuse to accept the certificates of candidacies…’yun po ay para mapigilan na ma-prostitute ang ating electoral process,” sabi ni Garcia.
Sa ilalim ng Section 10 ng Republic Act No. 10742, nakasaad na ang isang opisyal ng SK, nahalal man o appointee, ay dapat isang citizen ng Pilipinas, kuwalipikadong botante, residente ng kaniyang barangay ng hindi bababa sa isang taon, at na 18 hanggang 24 taong gulang lamang sa araw ng halalan.
Isasagawa ito ng Comelec sa kabila ng naratipikahan na ng Senado at Kongreso ang “bicameral conference committee report” sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections at pagdaraos nito sa Oktubre 2023 na. Tanging pirma na lamang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kinakailangan para dito.
Habang hindi pa ganap na batas, nag-umpisa na ang Comelec at National Printing Office (NPO) ng pag-iimprenta ng kakailanganing 91 milyong balota para sa Barangay at SK Elections (BSKE).
Ayon sa Comelec, ito ay para matiyak na may magagamit na balota para sa Disyembre 5 habang iginiit nila na hindi naman ito masasayang sakaling maipagpaliban ang halalan.