Nagsagawa ng ‘Oplan Galugad’ sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Correction (BuCor), Bureau of Jail Management Penology (BJMP), mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at National Capital Regional Mobile Force Battalion sa magkahiwalay na quadrant kung saan nasamsam ang iba’t ibang uri ng mga ipinagbabawal na kagamitan.
Pinasok ng grupo ang NBP Quadrant 4 (Quadrant East ng Bldg # 5) at Quadrant 3 (Quadrant South ng Bldg # 8) kung saan mahigit sa 400 ipinagbabawal na items ang nasamsam ng mga operatiba kabilang na ang mga bladed weapons.
Ayon kay spokesperson Col. Gabby Chaclag, bumuo sila ng team upang magsagawa ng operasyon sa loob ng NBP kasunod ng nangyaring madugong sagupaan ng magkabilang grupo ng Sputnik gang at Commando gang sa East quadrant ng maximum security compound kung saan siyam sa mga inmates ang nasawi.
Layon ng BuCor na mapanatili at mahinto ang karahasan ng mga bilanggo sa loob ng NBP.
Kabilang ang building 5 at building 8 at mga katabing lugar nito ang ginalugad ng grupo at nakuha ang ipinagbabawal na mga armas sa mga selda ng person deprived of liberty (PDL) at ang iba naman ay ibinaon sa ilalim ng lupa.
Batay kay Chaclag, kinausap na rin ni Director General Gerald Bantag ang mga leader ng dalawang grupo kung saan isinagawa ang operasyon at mahinto na ang karahasan sa loob ng Bilibid.