Kinondena ng isang lider ng simbahan ang pagpapatigil ng pamahalaan sa siyam na taong moratoryo sa pagmimina.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, hindi naaangkop ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil lalo lamang itong magpapalala sa iba’t ibang kaganapang nangyayari sa ating kapaligiran.
Sinabi pa ng obispo na ito ay maaring ipinatupad ng pangulo upang may mapagkunan ng pondo ang mga “corrupt” na opisyal ng pamahalaan para sa panggastos sa darating na eleksyon.
Paliwanag pa ni Pabilo, sa halip na makatulong ang pagmimina sa pag-unlad ng bansa ay lalo lamang itong magdudulot ng pagbabago sa klima ng mundo at nakasisira sa likas na yamang tahanan ng iba’t ibang uri ng buhay.
Pinangangambahan rin nito na higit na maaapektuhan ng desisyon ng pamahalaan ang mga katutubong naninirahan sa mga kabundukan at kagubatan na nakakaranas ng pananakot at pinaaalis sa kanilang mga lupaing minana upang maisagawa ang mapaminsalang pagmimina.
Apektado nito ang mga karagatan at lupaing sakahang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga mangingisda at magsasaka.
Hinihiling naman ng obispo, na siya ring chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on the Laity na mas makabubuting baguhin ang Philippine Mining Act of 1995 upang maisagawa sa tamang paraan ang pagmimina na hindi magdudulot ng matinding epekto sa tao at iba’t ibang likas na yaman.
“Dapat irevise ang mining law ng 1995 kasi extractive ang batas na yan. Kinukuha lang ang ating mineral resources na hindi naman bumabalik sa atin,” saad ng obispo.
Batay sa mga pag-aaral, kakaunti lamang ang naiaambag ng pagmimina sa kabuuang ekonomiya ng bansa at hindi rin ito nakakapaglikha ng pangmatagalang hanapbuhay sa mamamayan sapagkat naitala lamang sa isang porsyento ang mga manggagawa nito sa pangkabuuang workforce ng bansa.

