Lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa National ID sa mga Manilenyo si Manila Mayor Francisco Domagoso bilang pagsuporta sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pakikipagpulong ng mga kinatawan ng PSA kay Mayor Domagoso, inilahad nila sa alkalde ang hangad nilang maisakatuparan na magkaroon ng National ID ang mga residente sa lungsod bago pa man ang 2022 national election.
Ang National ID ay magiging permanente nang pagkakakilanlan ng isang indinidwal sa bansa na kanilang magagamit habangbuhay.
Hiniling naman ng PSA sa pamahalaang lungsod ang ilang pwesto tulad na lamang ng mga eskuwelahan upang hindi na lumayo pa ang mga Manilenyo sa kanilang mga tahanan para makapagparehistro ng kanilang National ID.
Sinang-ayunan naman ng alkalde ang kahilingan ng PSA at sinabing pag-aaralan nila ito upang masimulan na ang pagpaparehistro.
Pinayuhan naman ng alkalde ang mga residente na agad magpatala para sa National ID sa sandaling bumaba na ang PSA sa mga barangay.

