HINDI umano malayong sumipa pa ng P10 ang itaas sa kada litro ng produktong petrolyo sa susunod na linggo sa gitna ng patuloy na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Sa pagdinig sa Kamara, tinukoy ni Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay ang pagsirit pa ng presyuhan ng krudo sa pandaigdigang merkado kaya’t hindi malayong sumunod na rin ang lokal na bentahan.
“Crude rose to $124 a barrel. Current trading, it’s up by 9.63 percent again or by $11.37, so nasa $135 na tayo sa trading. So, kung magtutuluy-tuloy ‘yan, by next week, mga sampung piso na naman ang tataas dyan,” ang tinuran ni Suntay.
Sinabi rin ni Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na kung hindi madaragdagan ang suplay ng krudo sa world market, magtutuluy-tuloy pa ang oil price hike.
“There would be no increase in the supply and everybody is getting from the same source, talagang tataas ng tataas yan,” ayon kay Cusi.
Batay sa imbentaryo ng DOE, may sapat pang suplay ng diesel hanggang 44.5 na araw, fuel oil na hanggang 44.4 na araw, gasolina na hanggang 55.4 na araw, kerosene na hanggang 80.2 araw, at LPG na hanggang 27.7 na araw.
Sinabi ni Cusi na ang naranasang bigtime oil price hike na ipinatupad nitong Martes ay hindi pa ang huling pagkakataon hangga’t may problema sa Ukraine at nagkukulang ang suplay sa world market.
“It’s not yet the last. The future of oil price is uncertain. For how long, we don’t know. Hindi lang oil ang tataas ang presyo, pati pagkain, pati fertilizer, pati wheat are projected to go up,” babala ni Cusi.
Sa ngayon ay naglalaro sa P69.28 ang average na halaga ng kada litro ng gasolina habang P58.65 ang average ng presyuhan ng bawat litro ng diesel.

