ISANG Overseas Filipino Worker (OFW) ang iniulat na nagpatiwakal sa isang hotel sa Pasay City.
Kinilala ang OFW na si Randy Galaroza, 40 anyos, mula Papua New Guinea at dumating sa bansa pasado alas 8 kagabi.
Ayon sa impormasyon mula kay Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Armand Balilo, nagbigti si Galaroza sa banyo ng quarantine hotel sa Room 720 ng Citadines Bay City, Pasay City.
Ngayong Lunes, nagpadala umano ng groceries ang kamag-anak ni Galaroza sa hotel ngunit nang tawagan sa telepono ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) house parent at PCG personnel ang biktima ay hindi ito sumasagot.
Dahil dito, pinuntahan sa kuwarto ang OFW at ilang beses itong kinakatok subalit hindi pa rin sumasagot dahilan para tawagin ang hotel management upang buksan ang pinto ng kanyang kuwarto
Dito na bumungad sa mga tauhan ng PCG at OWWA na nakabitin ang leeg ng biktima sa banyo ng nasabing quarantine hotel.

