Shoot sa kulungan ang isang 52-anyos na construction worker matapos mahulihan ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., nakatanggp ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) mula sa isang regular confidential informant hinggil sa umano’y illegal drug activities ni Orlando Domalaon ng Sto. Niño Area D, Camarin, Brgy. 178.
Matapos ang isang linggong validation ay nakumpirma na tama ang impormasyon kaya’t agad nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMaj. Deo Cabildo ng buy-bust operation sa Pili St., Brgy. 178, dakong ala-1 ng madaling araw.
Kaagad dinamba ng mga operatiba ang suspek matapos bentahan ng isang medium plastic sachet ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P6,500 marked money.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 40 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P272,000 ang halaga at buy-bust money na binubuo ng isang P500 bill at 6 pirasong P1,000 fake/boodle money.