Obrero, pinagsasaksak ng tatlo sa Malabon, kritikal

Share this information:

NASA kritikal na kalagayan ang isang construction worker matapos itong pagtulungan pagsasaksakin ng tatlong lalaki sa Malabon City kamakalawa ng madaling araw.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktima na kinilalang si Marvin Gabriel, 36 anyos, ng Blk 2 Lot 23 MPV Dulong Hernandez, Brgy. Catmon.

Pinaghahanap naman ng mga pulis upang maaresto ang mga suspek na si Aaron Soriano, nasa hustong gulang ng Brgy. Longos, alyas “Totin” at isa pang hindi kilalang suspek, na mabilis na nagsitakas sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Sa report nina PSSgt. Mardelio Osting at PSSgt. Diego Ngippol kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magtungo ang biktima, kasama ang kanyang kaibigan na si Joselito Torrenueva, sa Blk 11 (Daingan) Brgy. Longos.

Subalit bigla na lamang sumulpot mula sa kanilang likuran ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagtulungan pagsasaksakin ang biktima sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Sa kabila ng tinamong mga saksak, nagawa pang makatakbo ng biktima hanggang sa makahingi siya ng tulong sa kanyang mga kaanak na nagsugod sa kanya sa naturang pagamutan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.