KULUNGAN ang kinabagsakan ng dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ni District Drug Enforcement Unit-Northern Police District (DDEU-NPD) chief PLt. Col. Renato Castillo ang naarestong mga suspek na sina Joseph Alvir, alyas “Jojo,” 42 anyos, (Listed), jeepney driver at Alberto Bautista, 57 anyos, kapwa ng Salmon St., Brgy. 8.
Sa report ni PLt. Col. Castillo kay NPD Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-3:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PMaj. Amor Cerillo ng buy-bust operation sa Salmon St., Brgy. 8 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P7,500 halaga ng shabu.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 25 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P170,000, at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at pitong boodle money.
Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang siyang haharapin ng mga suspek.

