Obrero, binaril ng riding-in-tandem, malubha

Share this information:

AGAW-BUHAY ang isang 29-anyos na obrero matapos pa-traydor na barilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang kalalakihan na sakay ng motorsiklo noong Linggo ng madaling araw sa Malabon City.

Nananatiling ino-obserbahan sa Tondo Medical Center si Mark Anthony Manabat, residente ng Block 2 kanto ng Hasa-Hasa at Hiwas Streets, Brgy. Longos, sanhi ng tinamong tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Lumabas sa pagsisiyasat ni P/SSGt. Ernie Baroy na naglalakad ang biktima kasama ang pamangking si Chris Ryan Espinosa dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Block 12 Phase 2 Area 1 Hasa-Hasa Street galing sa isang tindahan nang biglang sumulpot sa kanilang likuran ang dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo.

Bumunot ng baril ang naka-angkas sa motorsiklo at binaril sa likod ang biktima bago mabilis na tumalilis patungo sa hindi pa batid na direksiyon.

Kaagad na humingi ng tulong si Espinosa sa mga barangay tanod upang maisugod sa pagamutan ang kanyang tiyuhin habang ipinarating naman ng iba pang barangay tanod sa pulisya ang insidente.

Nagsagawa kaagad ng follow-up operation ang pulisya subalit bigo silang madakip ang mga salarin habang inaalam pa ang motibo sa tangkang pamamaslang.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.