Norwegian at Chinese national, nasakote ng BI

Share this information:

DINAKMA ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang pedopilyang Norwegian na inakusahan ng pang-aabuso sa mga menor de edad sa kanilang bansa.

Isa ding Chinese national na wanted sa pagpapatakbo sa isang pyramid investment scam ang inaresto din ng ahensiya.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, si Karstein Kvernvik, na kilala din sa pangalang Krokaa Karstein Gunnar, 50 anyos, ay naaresto noong Setyembre 24  sa kanyang tinitirhan sa Sameerah Subd., Angeles City, Pampanga ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI habang Setyembre 23 naman nang maaresto ang puganteng Chinese na si Fu Qihao, 44 anyos, sa Malate, Maynila.

Isang warrant of arrest ang inisyu sa kanya ng public security bureau sa Shanghai, China dahil sa pagpapatakbo ng investment pyramid scam kung saan mismong kababayan nito ang kanyang mga niloko.

Sinabi ni Tansingco na ang dalawa ay ipapa-deport dahil sa pagiging undesirable at undocumented aliens matapos bawiin ang kanilang pasaporte.

Inilarawan ng BI Chief si Kvernvik na isang high-profile na pugante na kinasuhan ng multiple sex-related crimes sa Norway.

Base sa nakalap na impormasyon mula sa Interpol National Central Bureau (NCB) sa Manila, si Kvernvik ay may outstanding warrants of arrest na inisyu ng Salten and Lofoten District Court sa Norway noong Hunyo 20, 2022 kung saan nahatulan ng aggravated sexual assault at engaging in sexual activity sa isang menor de edad na isang paglabag batay sa mga batas ng Norway.

Ang dalawa ay kapwa nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.