SINAMPAHAN na ng kasong “indirect contempt” sa Supreme Court si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Badoy ng mga abogado at law school dean dahil sa mga social media posts nito laban kay Manila Judge Marlo Magdoza-Malagar.
Pinangunahan ni Philippine Bar Association president Rico Domingo ang mga abogado sa paghahain ng Urgent Petition for Indirect Contempt laban kay Badoy.
Ito ay may kaugnayan sa mga post umano ni Badoy ukol sa desisyon ni Judge Magdoza-Malagar, na kamakailan ay dinismis ang petisyon ng pamahalaan ng Pilipinas na ideklarang terorista ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Kasama ni Domingo sina law school deans Tony La Viña, Ma. Soledad Deriquito-Mawis, Anna Maria Abad, Rodel Taton; at mga abogadong sina Artemio Calumpong, Christianne Grace Salonga, Ray Paolo Santiago at Ayn Ruth Tolentino-Azarcon.
“We believe that considering the gravity and nature of statements of former [Unersecretary] Badoy, we believe that it would be punishable of indirect contempt, Rule 71 Section 3D,” saad ni Domingo.
Ang contempt of court umano ay lumalarawan sa “any improper conduct tending, directly or indirectly, to impede, obstruct or degrade the administration of justice.”
“The SC repeatedly said that you can express your disappointments or disagreements but there is a limit to that. You cannot lambast the court,” giit pa ni Domingo.
Sa petisyon, nakasaad na tahasang sumisira sa reputasyon at kredibilidad ni Judge Malagar ang mga Facebook post ni Badoy.
Bukod dito, tinatanggal din umano ang respeto hindi lamang para sa huwes ngunit maging umano sa lahat ng miyembro ng Philippine Bench at Bar.
Samantala, nag-umpisa na ang SC en banc nitong Setyembre 27 ng kanilang “motu propio proceedings” laban kay Badoy sa kaso na naka-docket bilang A.M. 22-09-16.
Parte ng mga post ni Badoy na na-screenshot ng mga netizen ay naglalaman ng “If I kill this judge and I do so out of my political belief that all allies of the CPP-NPA-NDF must be killed because there is no difference in my mind between a member of the CPP-NPA-NDF and their friends, then please be lenient with me.”