“No beep card, no ride policy,” pahirap — commuters

Share this information:

Inangalan ng mga commuter ang biglang pagtaas ng presyo at nakalilitong beep cards na inoobligang bilhin para sa cashless payment na pinaiiral ngayon sa mga bus sa EDSA Busway, modernong jeepney at train systems tulad ng MRT at LRT.

Una nang pinairal ng Department of Transportation (DOTr) ang “no beep card, no ride policy” simula nuong Oktubre 1 para sa mga sasakyan sa EDSA bus carousel bilang bahagi ng pag-iingat sa gitna ng nararanasang pandemya na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Gayunman, sinasabing tumaas ng P180 ang halaga ng Beep card na may P100 na load o nasa P80 ang halaga ng mismong card lamang.

Dating nabibili lang ng P20 hanggang P30 ang bawat card o kaya ay bibili ng P100 na may kasama nang P80 na load.

Inirereklamo rin na may ilang third party service providers umano ang nagbebenta sa mas mataas na halaga na sinasamantala ang pangangailangan ng publiko na makakuha ng Beep card para makasakay. Bukod pa ito sa iniaangal ding paniningil na P5 convenience fee kapag magpapa-reload.

Maliban dito, nagdulot din ng kalituhan sa mga pasahero ang gagamiting Beep card sa modernong jeepney o e-jeep na inakalang pupuwede ang Beep card na ginagamit sa MRT at LRT.

Isa sa mga nagpost sa social media ay ang abogadong si Kristina Conti na gigil sa magkakaibang Beep card sa e-jeep at sa MRT at LRT.

“Grabe rin nitong pandemic ‘no, pipigain ka talaga. Kanina nagpalit na ng sistema yung mga ejeep, yung blue. Kelangan na ng Beep card na bibilhin mo sa halagang P150, may load na P50. Tinanong ko kay ateng nagbebenta kung pareho sa Beep sa MRT/LRT, hindi raw. Mapilitan ka talagang bumili. Pero teka yung P100 para sa card lang?? Bakit ang mahal?!? Kibit balikat si ate,” ani Conti.

Paglilinaw ng DOTr, ang Beep card na ibinibenta para sa e-jeep ay tinatawag na Beep Rides na iba sa Beep card ng MRT at LRT na ginagamit na rin ngayon para sa EDSA bus carousel.

Sinabi ni Transportation Undersecretary Goddes Hope Libiran na ang “no beep card, no ride policy” ay iiral lang sa EDSA Busway.

no beep card, no ride policy, ipinasususpindi

Nais ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na suspindihin ang ‘no beep card, no ride’ policy ng dahil sa biglang pagtaas ng halaga ng bawat beep card.

Giit ni Brosas, dapat munang malinaw ang umano’y maanomalyang pag-presyo sa beep card na nasa P80 kada isa at may P100 na load na may kinakailangan pang maintaining balanae na P65 at pagbabayad ng P5 na convenience fee sa kada pa-load sa mga third party service provider.

Inihirit din ng kongresista na mai-refund ang mga ibinayad ng mga commuter na napilitan lamang sa cashless payment para makapasok sa trabaho.

Dagdag pa ni Brosas, ang gobyerno dapat ang namamahala sa aspeto ng ticketing sa transport systems at hindi ang mga pribadong kumpanya upang matiyak na mabibigyan ng magandang serbisyo ang publiko.

Iginiit ng kongresista na hindi dapat ginagawang sangkalan ang pandemya at health protocols para pigain at pagkakitaan ang kawawang mga pasahero at mangaggawa.

Apektado rin aniya ng mandatory policy na ito ang tatlong-daang konduktor at ticketing inspector na nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya bunsod na rin ng implementasyon ng cashless payment system.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.