Nigerian na wanted sa pagbebenta ng siyam-na-buwang gulang na babae, naaresto ng BI

DINAKIP ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang Nigerian national na nahaharap sa kasong kriminal dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagbebenta ng siyam na buwang gulang na babae.

Sinasabing kasabwat ang dayuhan sa pagbebenta ng ina ng sanggol na lulong umano sa e-sabong at nangailangan ng malaking pera para bayaran ang kanyang utang sa sugal.

Ayon kay BI fugitive search unit (FSU) chief Rendel Ryan Sy, nagpalabas ng arrest order ang BI laban kay I-fean-ja Bright Okoro dahil sa maituturing umano itong banta sa pampublikong kaligtasan at seguridad.

Maliban sa undesirable alien, sinabi ng BI na overstaying na rin si Okoro.

Mananatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation sa Maynila si Okoro na nahaharap ngayon sa mga kasong child abuse, human trafficking at kidnapping.

Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na made-deport lamang ang dayuhan kapag natapos na nito ang sentensya ng hukuman sakaling mapatunayan ang mga alegasyon laban sa kanya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.