ISANG negosyante ang patay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang lulan ng kanyang sasakyan na naipit sa masikip na daloy ng trapiko sa Malate, Maynila nitong Lunes ng hapon.
Anim na tama ng bala sa kaliwang balikat at kili-kili ang dagliang tumapos sa buhay ng biktimang si Naiqian Yuan, 34 anyos, ng 76 Jerico St., Multinational Village, Parañaque City habang mabilis namang nakatakas ang mga salarin nang maisagawa ang pagpatay.
Batay sa ulat ni PLt. Adonis Aguila ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, lumilitaw na dakong alas-3:55 ng hapon nang maganap ang krimen sa M.H. Del Pilar St. sa Malate.
Sakay umano ang biktima ng kanyang kulay asul na Subaru na may conduction sticker na HW-1708 at binabaybay ang naturang lugar nang buntutan siya ng dalawang salarin na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Nang maipit umano ang sasakyan ng biktima sa trapik ay kaagad na bumaba ang backrider at naglakad patungo sa sasakyan ng biktima at kaagad itong pinagbabaril, na nagresulta sa agaran niyang kamatayan.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay umangkas muli ang gunman sa motorsiklo at saka mabilis nang tumakas patungo sa direksiyon ng Roxas Boulevard.
Masusi naman nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang krimen upang matukoy kung sino ang mga nasa likod nito at ang motibo nila sa pagpatay upang mapanagot sila sa krimen.

