INIREREKOMENDA ng mga alkalde sa National Capital Region (NCR) ang pagpapalawig pa ng pagpapairal ng general community quarantine (GCQ) hanggang sa Disyembre ng kasalukuyang taon.
Nabatid mula kay MMDA general manager Jojo Garcia na batay sa napagkasunduan ng mga alkalde ay mas pabor silang gawing dahan-dahang pagluluwag ng community quarantine restrictions dahil nananatili pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Yung ginawa po natin d’yan na plano is GCQ hanggang end of the year kasi sabi po ng mga mayors natin mas madali ‘yung magluwag unti-unti kesa MGCQ kaagad na 100%, saka tayo magbabawas,” ayon kay Garcia.
“Ibig sabihin, gradual po lahat ng increase depende po sa sitwasyon. At nakita naman po natin lahat po ng hiniling ng economic team binibigay ng NCR mayors,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Garcia na ayaw muna ng NCR mayors na pabuksan ang mga sinehan, konsyierto at Christmas parties sa mga pribadong sektor.
Samantala, inihayag din ng Garcia na babawasan na ang oras ng curfew sa Metro Manila na gagawin na lamang mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-kuwatro ng madaling araw.
Gayunman, mananatili pa rin ang alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng madaling araw na curfew sa Navotas City dahil sa mas malaki umano ang residential areas sa lungsod.