NCR, ilang mga lalawigan sa Luzon, hinataw ni Super Typhoon “Karding”

Share this information:

BINAYO ng super bagyo na si “Karding” (international name: Noru) maghapon ang malaking bahagi ng Luzon, kasama na ang National Capital Region (NCR) kung saan walong lugar ang inilagay sa pinakamataas na babala ng bagyo o Typhoon Signal No. 5.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), partikular na matinding hinataw ng bagyo ang mga lalawigan na isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 ay ang Polillo Islands; dulong hilagang bahagi ng Quezon; dulong katimugang bahagi ng Aurora; dulong katimugang bahagi ng Nueva Ecija; ilang bayan sa Pampanga; silangan at gitnang bahagi ng ng Bulacan; dulong hilagang bahagi ng Rizal; at silangang bahagi ng Pampanga.

Dakong alas-5:30 ng Linggo ng hapon nang tumama sa kalupaan ng Burdeos, Quezon ang super bagyong Karding.

Huling namataan ang mata ng bagyong Karding sa karagatan ng Burdeos, Polillo Islands sa Quezon na lakas ng hangin na hanggang 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong 240 kilometro kada oras. Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Ngayong umaga (Lunes) ay tinataya ng PAGASA na mararanasan ang hanggang sa matinding pag-ulan sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Rizal, at sa hilagang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands.

Malakas na pag-ulan din ang maaaring asahan sa Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Pangasinan, Cavite, Laguna, Batangas, central portion ng Quezon, Occidental Mindoro at Camarines Norte.

Nagbabala ang PAGASA sa malawakang pagbaha gayundin ang mga pagguho o landslide.

Kasabay din ng super typhoon Karding ay ang epekto ng Southwest Monsoon o hanging habagat na maaaring magdulot din ng mga pag-ulan sa Palawan, Western Visayas at Zamboanga Peninsula.

Nabatid naman mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagpapatuloy na ang mga paglilikas sa mga residenteng apektado ng hagupit ng bagyo.

Hindi bababa sa 300 indibidwal o isandaang pamilya ang maagang pinalikas sa bahagi ng Cagayan Valley at Central Luzon. May mga inilikas na rin sa Quezon province.

Nakataas ngayon ang red alert status sa Cagayan Valley, Ilocos Region, Bicol Region, Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, at Mountain Province sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.