Mga biyahe ng barko, eroplano at tren suspendido ngayong araw

HINDI bababa sa 60 biyahe ng eroplano kahapon at ngayong Lunes ang kinansela ng mga airline company dahil sa masamang panahon na dulot ng super bagyo na si “Karding.”

Pinigil ding magbiyahe ang mga bus sa Roll on-Roll Off (RORO) kaya’t libu-libong pasahero ang na-stranded din sa mga pantalan.

Sa ulat ng Philippine Coast Guard, nasa 26 pantalan sa Southern Tagalog ang pinigilan munang maglayag ang mga sasakyang pandagat. Mahigit sa 700 pasahero, drayber at pahinante ang stranded habang siyam na bangka rin ang pinagbawalang lumaot. Nasa 42 barko at 35 bangka rin ang tumigil at naghanap ng ligtas na masisilungan.

Sa Bicol Region, mayroong mahigit 1,300 pasahero, drayber at pahinante gayundin ang nasa 30 sasakyang pandagat ang stranded.

Pansamantala ding sinuspinde ang ilang biyahe ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) bunsod ng Super Typhoon Karding.

Sa ipinalabas na abiso ng PNR, itinigil muna nito ang mga byahe ng kanilang tren sa Metro Manila, Lucena at San Pablo, Laguna.

Maaga namang nagsara ng kanilang biyahe ang MRT-3 na ang huling tren sa North Avenue station ay umalis ng alas-6 ng gabi at ang mula sa Taft Avenue ay alas-6:38 ng gabi ang last trip. Maaga rin ang itinakdang last trip ng mga tren ng LRT-2.

Bahagya namang humina ang bagyong si Karding habang gumagalaw ito sa direksiyon ng kanluran-hilagang kanluran palayo sa Luzon sa bilis na 30 kph. Ang mata ng bagyo ay namataan na nasa layong 230 kilometro kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.

Ang lakas ng hangin na taglay ni Karding ay tinatayang nasa 130 kph malapit sa gitna at bugso ng hangin na nasa 160 kph.

Ayon ito sa Tropical Cyclone Bulletin No. 24 na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA kaninang ika-11 ng umaga ngayong araw.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.