Nawawala sa Taguig Fluvial parade, patay na nang natagpuan ng PCG

Share this information:

ISA ang kumpirmadong nasawi sa naganap na banggaan ng dalawang bangka sa kasagsagan ng fluvial parade sa bahagi ng Taguig river festival na ginanap noong Hulyo 26.

Kaninang 6:20 ng umaga, Hulyo 27, natagpuan ng joint Search and Rescue (SAR) team na binubuo ng Philippine Coast Guard (PCG), Taguig City Rescue, Taguig City Fire Rescue, Taguig City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Taguig City Philippine National Police (PNP), at Lake and River Management Office (LRMO) ng Taguig City, ang katawan ng biktima 30 metro mula sa pinangyarihan ng aksidente. 

Kinilala itong si Chester Romero, 30 taong gulang, na nakatira sa Barangay Bambang, Taguig City. 

Kinumpirma ito ng kanyang pamilya na kasama ng joint SAR team nang ma-recover ang kanyang mga labi. 

Itinurn-over ang katawan ng biktima sa kanyang kapatid na si Jerome Romero. 

Sa nasabing insidente agad na rumesponde ang PCG Station Malacañang sa katubigan ng Bambang Bridge sa Barangay Tuktukan, Taguig City kung saan nangyari ang insidente.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang hindi opisyal at hindi awtorisado ang partisipasyon ng dalawang bangkang sangkot sa aksidente sa nasabing aktibidad. 

Nang papalubog ang isang bangka, lumipat sa kabilang bangka ang sakay nito dahilan para tuluyan ding lumubog.

Agad na ni-rescue ang mga pasahero ng dalawang bangka, habang isa naman ang napag-alamang nawawala. 

Alas 6 ng hapon nagsagawa ng underwater search ang PCG Special Operations Unit (SOU) Malacañang para mahanap ang nawawalang pasahero ngunit dahil sa malakas na agos at  “poor visibility,” itinigil ang operasyon bandang alas 8 ng gabi.

Bandang 2:20 Miyerkules ng madaling araw nang muling ipagpatuloy ng PCG ang paghahanda sa paligid ng ilog.

(PHOTO CREDIT: Philippine Coast Guard)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.