Kulungan ang kinabagsakan ng isang lasing na security guard matapos magpakilalang pulis habang nagwawala umano sa Caloocan City araw ng Lunes.
Si Francisco Ladrera, Jr. 42 ng Phase 7B Blk 33, Lot 22 Barangay 176 Bagong Silang ay inaresto ng rumespondeng mga tauhan ng Llano Police Sub-Station 7 matapos walang maipakitang police identification card at sa halip ay nagpakita ng expire na lisensya ng dala niyang baril na isang kalibre 45 pistola na may dalawang magazine na kargado ng 16 na bala.
Nang kapkapan, nadiskubre ng mga pulis sa itim na sling bag ng suspek ang 16 piraso ng bala na para sa kalibre .45 pistola.
Sa natanggap na ulat ni Caloocan police chief Police Col. Samuel Mina, dakong 7:30 ng gabi nang respondehan ng mga barangay tanod ng Barangay 176 na sina Resty Curitao, 36, Alvin Villar, 42 at Ariel Aurique ang tawag mula sa concerned citizen hinggil sa nagaganap na kaguluhan sa 893 Llano Road.
Pagdating sa lugar, lumapit ang lasing na suspek at nagpakilalang miyembro ng Caloocan police saka ipinakita ang dalang baril na nasa kanyang sling bag na naging dahilan upang humingi ng tulong sa mga pulis ang mga tanod.
Ayon kay Col. Mina, mahaharap ang suspek sa kasong Usurpation of Authority at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act.