Breaking News

Share this information:

TAYTAY, Rizal — Tahasang sinabi ni Taytay Mayor Joric Gacula na isa na namang fake news ang ipinakakalat ng isang grupong pinaniniwalaang nais lamang maghasik ng kaguluhan sa kanilang bayan. 

Aniya, walang katotohanan ang kumakalat na maling impormasyon na ang kawalan daw ng QR code ay pagkakakitaan ng munisipyo. 

Patuloy na nagsisikap ang lokal na pamahalaan ng Taytay na maisaayos ang sistemang naglalayong pag-iisahin na lamang ang mga web applications para sa contact-tracing at vaccination. Subalit ang pagsisikap na ito ay ginulantang ng isang social media post tungkol sa diumano’y pagtatakda ng multa sa mga residente na walang QR code.

Nakakalungkot na sa panahon ng pandemya ay marami pa ring nagpapakalat ng fake news upang manloko,” sambit ng alkalde.

Paliwanag ni Gacula, may prosesong sinusunod ang lokal na pamahalaan sa pagpapataw ng multa at hindi kabilang doon ang kawalan ng QR code — taliwas sa ipinakakalat na fake news.

Sa kanyang pahayag, may mga paglabag na sadyang pinapatawan ng multa. Subalit bago pa man dumating sa puntong kailangan nang magmulta, mayroon din aniyang prosesong kailangang pagdaanan. 

Paliwanag ni Gacula, ang mga paglabag na may karampatang multa ay ang falsification at identity theft lamang. Kabilang sa mga kanyang binabanggit na violations ang mga sumusunod:

·         Paglalagay ng maling impormasyon sa sa #TaytayTrail registration.

·         Pagpapagamit ng QR Code sa ibang tao upang makapasok sa mga establisyemento 

·         Paggamit ng QR Code ng ibang tao

·         Intensyonal na pagreregister sa Taytay Trail ng dawalang beses o higit pa para magkaroon ng dalawa/mas marami pang QR Code. 

·         Pag-tanggi na ma-scan ang kanyang QR code ng mga tauhan ng establisyemento. 

Yan ang mga mumultahan nating violations. Wala po diyan sa listahan ang kawalan ng QR Code dahil batid po natin na walang access ang lahat ng Taytayeno sa smart phones o kung anumang gadgets,” dagdag pa ni Gacula.

Para sa mga walang QR codes, tungkulin ng mga tanggapan ng pamahalaan at maging ng mga establisimyento na gawan ng QR code ang mga wala pa nito. Bukas din aniya ang tanggapan ng Taytay LGU upang maglimbag ng QR code para sa mga walang smart phones.

“Kami ang tutulong paggawa ng mga QR codes, tapos ipi-print namin para maipa-laminate para mai-prisinta sa tuwing kailangang pumasok sa anumang tanggapan o establisimyento sa Taytay,” pagtatapos ni Gacula.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: