Breaking News

Share this information:

ISANG sunog na bangkay ng lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa ilog nitong Lunes, malapit sa lugar kung saan nasunog ang isang barko sa Port Area, Manila noong Sabado.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang naturang bangkay ay ang pasahero ng MV Titan 8 na si Edmund Palanca, 53 anyos, na unang iniulat ng kanyang mga kasamahan na nawawala noong kasagsagan ng sunog sa barko.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Homicide Section, dakong alas-8:30 ng umaga nang mamataan ang sunog na bangkay na palutang-lutang malapit sa nasunog na cargo ship kaya’t kaagad itong iniahon ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa report ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-8:00 ng umaga noong Sabado nang masunog ang barko habang nakadaong sa pier, na ikinasugat ng may 10 katao, kabilang na ang mga tripulante, habang isa naman ang iniulat na nawawala.

Nagpapakarga umano ng langis ang naturang barko bago bumiyahe patungong Palawan nang biglang makarinig ng malakas na pagsabog ang kapitan nito.Nadamay sa sunog ang nasa 100 bahay sa gilid ng katubigan at tinatayang nasa 200 pamilya o 600 indibidwal ang naapektuhan nito.

Ayon sa mga residente, inanod ang mga nasusunog na drum ng krudo at inabutan ang kanilang mga bahay na nakatayo sa pampang.

Umabot pa ng ikalimang alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula dakong alas-2:57 ng hapon.

Sa pagtaya ng mga arson investigators, aabot sa P30 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala sa sunog. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng nasabing sunog.

(PHOTO CREDIT: Philippine Coast Guard)

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: