UMIIKOT na ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa mga sementeryo sa lungsod ng Maynila upang mag-inspeksyon bilang paghahanda sa papalapit na Undas.
Ayon kay MPD Director Brig. General Andre Dizon, ilalatag ang paghahanda sa seguridad pero kailangan pa ring may paghihigpit dahil nasa gitna pa ng pandemya ang bansa.
Sinabi ni Dizon na 1,000 kapulisan ang kanyang ipapakalat sa mga sementeryo sa Maynila na magbabantay sa seguridad ng mga bibisita lalo na sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.
Magpapatupad din ayon kay Dizon ng anti-criminality procedure upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Pinaalalahanan din ng heneral ang publiko na huwag magdala ng mga matatalas na bagay o armas.
Nauna na ring pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang publiko na ipinagbabawal na magdala ng mga inuming nakalalasing, nasusunog na materyales, baril at anumang matutulis na bagay tulad ng kutsilyo, pamutol, atbp., videoke o anumang sound system na maaaring magdulot ng malakas na tunog, deck ng mga baraha, bingo card, o anumang uri ng pagsusugal sa loob ng Manila North Cemetery at Manila South Cemetery simula Sabado, Oktubre 29 hanggang Miyerkules, Nobyembre 2.
Hindi rin papayagan makapasok ang mga batang edad 12 pababa gayundin ang mga hindi bakunado.