Motorsiklo nasagi ng truck, rider todas

Share this information:

PATAY ang isang 62-anyos na mekaniko matapos masagi ng isa umanong truck ang kanyang minamanehong motorsiklo sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si Felix Espinosa ng 536 Interior Catmon, Malabon City.

Sa nakarating na report kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-6 ng gabi ay tinatahak ng biktima sakay ng kanyang motorsiklo ang kahabaan ng C3 Road patungong Rizal Avenue Ext., at pagsapit malapit sa kanto ng 7th Street Brgy. 124 ay nasagi ang motorsiklo ng kaliwang likuran bahagi ng truck.

Sa lakas ng impact, bumagsak ang motorsiklo sa kalsada hanggang sa magulungan umano ang biktima ng nasabing truck na hindi man lang huminto at tuluyang tumakas sa hindi pa matukoy na direksyon.

Isinugod naman ang biktima sa naturang pagamutan subalit idineklara itong dead on arrival habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan ng truck at pagkakaaresto sa driver nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.