Motorcycle taxi bill, dapat maisabatas na, ayon sa motorcycle taxi sector

Share this information:

UMAASA ang motorcycle taxi sector at Land Transportation Office (LTO) na agad na maaaprubahan na at tuluyan nang maisasabatas ang motorcycle taxi bill sa 19th Congress.

Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni LTO Special Legal Assistant to the Office of the Assistant Secretary na si Atty. Alex Abaton na kabilang sa mga motorcycle taxi ay ang “Joyride, Angkas at Move it” bilang mga industry players.

Nung kami po nasa Technical Working Group (TWG) , tatlo I think yung – at that time yung inaasist natin—andun yung ating Joyride, pumasok na po yan and then yung Move it and probably yung other platform,” sabi ni Abaton.

Ayon kay Abaton, tinitingnan ito ngayon bilang alternative mode of transportation hindi lamang para sa mga pasahero kundi sa mga deliveries ng mga goods at iba pa.

Titingnan din, dagdag ni Abaton, ang magiging kahihinatnan nito kapag nai-refile at naipasa na sa Kongreso.

Tulad ng sinabi ko nagkaroon na po tayo ng technical working group, na-assist na po ito—nagkaroon na po itop ng piloting dun sa ating major cities so on and so forth, so the ball now is probably when this will be refiled in the Congress then abangan natin kung ano mga gagawin pa ng ating Kongreso po dito.”

Sa panig naman ni Infrawatch PH Convenor Terry Ridon na kailangang magfocus ang mga taxi groups sa pagkakaroon ng aktwal na batas para sa motorcycle taxi sector.

Pinayuhan din nito ang tatlong taxi group na kasali sa “pilot”  na imbes magbangayan ay magkaisa at isulong ang pagsasabatas ng MotorTaxi o MC Taxi Law.

Ayon kay Ridon, protektado ang MC Taxi sector sa ilalim ng Motorcycle Taxi law.

Panawagan din ni Ridon sa Kongreso at Senado at sa lahat nang nagmamaneho sa ilalim ng sector na ito na magfocus sa pagpasa ng MC Taxi Law sa lalong madaling panahon.

Sa panig naman ni  “Move It” General Manager Wayne Jacinto, umaasa rin ito na mabibigyan ng linaw ang mga batikos laban sa Move it na  pinakamaliit na player na pinayagan ng TWG.

Diin ni Jacinto, hangarin lamang nila na makapagbigay ng magandang hanapbuhay ang mga motorcycle riders at mabigyan ng ligtas at matiwasay na mode of transportation ang mga mananakay.

Dapat tingnan din mabuti kung ano talaga ang pakay ng mga tao na bumabatikos sa sinasabing “acquisition.”

Inaakusahan kasi ng dalawang MC taxi players na ang Move It ay backdoor entry ng Grab.

Ang hindi kasi namin maintindihan dito, yung sinasabi nilang backdoor, so kung mayroon mang backdoor—ano po ba yung frontdoor? So ibig kong sabihin if mayroon pong investor na mag-iinvest sa isang kompanya, hindi ko po nakikita na unlawful ito, kaya hindi ko po maintindihan kung bakit kinakailangan nilang sabihin  na backdoor entry,” ani Jacinto.

Dagdag pa ni Jacinto na sa Move It, tinatanggap nila ang development na ito dahil mas lalo nilang mapapalakas ang kanilang hanay upang makapagbigay ng mas maraming  trabaho sa mga kababayan at makapagsilbi sa mga mananakay .

Ayon kay Jacinto ang Move it ay nabili ng Grab ngunit may kanya-kanya silang operasyon.

Sinabi naman ni Primo  Morillo ,convenor  ng Passenger Forum  nanatiling nasa krisis ang transporartion system sa bansa bago pa man ang pandemya ay hirap na ang mga tao at lalong pinalala sa ngayon  dahil sa hirap ng pagsakay at nagmahal ang pamasahe.

Naniniwala si Morillo na panahon na para maisabatas ang MC taxi law.

Nakakalungkot na noong nakaraang administration dapat maipapasa na siya pero hindi natuloy pero sa ngayon tingin namin kailangan na itong tutukan at habang bago ang administration, bagong bukas yung Kongreso, ito ay maisabatas,” ayon kay Murillo.

Sa pangkalahatan, sinabi ng motorcycle taxi sector na kapag naisabatas na ang MC Taxi law, magkakaroon na ng guidelines at magkakaroon na ng mechanism kung saan huwag payagan na maging miyembro ng MC taxi sector ang mga kaskasero o tinatawag na mga kamote sa lansangan para na rin sa kaligtasan ng pasahero at ng rider.

Dagdag din ni Abaton na mayroon nang 58,471 na road crash incident sa Metro Manila noong 2021, at 22,041 nito ay sangkot ang single motorcycle habang ang fatal ay umabot naman sa 384 kung saan 267 ang single motorcycle.

Sa ngayon, mayroon nang kabuuang mahigit 2,000 na aktibong rider ng Move it, 20,000 naman sa Angkas at 15,000 sa Joyride. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.