INAMIN ng Department of Health (DOH) na mayroong “gaps” na kailangang ayusin hinggil sa One Health Pass ng gobyerno, isang online database para sa mga darating na international traveler.
Tiniyak naman ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa publiko na tinatalakay na ng mga kinauukulan ang mga paraan upang mapabuti ang sistema.
“Nakita rin natin na itong One Health Pass ay maraming mga gaps in terms of processing, procedures, saka yung masyadong maraming nakalagay at hinihingi sa ating mga kababayan,” sabi ni Vergeire sa isang press briefing.
Ipinapaalala ni Vergeire sa mga manlalakbay na kinakailangan ito para sa contact tracing bagaman ang pagrehistro sa One Health Pass ay maaaring nakakapagod na para sa ilan.
Paliwanag ni Vergeire, ang One Health Pass ay binuo upang magkaroon ng database para sa lahat ng pumapasok sa bansa kung saan napaka-importante nito dahil nagko-contact tracing.
Simula Setyembre noong nakaraang taon, lahat ng pumapasok sa bansa ay kailangang gumamit ng One Health Pass.
Batay sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force, hiniling sa mga manlalakbay na ipakita ang kanilang One Health Pass QR code sa Bureau of Quarantine na kinokolekta at pinoproseso ang impormasyon na ibinahagi sa platform.
Nauna nang nagpaalala ang DOH na ang pagpaparehistro sa online platform ay libre, kasunod ng mga ulat ng mga biyahero na nabiktima ng mga pekeng website ng pagpaparehistro na humihingi ng bayad.