NAPATAY ng isang mister sa Antipolo City, Rizal ang kanyang misis dahil umano sa matinding selos.
Nabatid sa ulat ng pulisya na unang hinostage ng suspek na si alyas Miguel ang kanyang asawa gayundin ang anak nito. Ikinulong umano ng suspek ang mag-ina sa tinutuluyan nilang bakery stall sa Barangay Cupang sa nasabing lungsod.
Hindi umano agad nakapasok ang mga taga-barangay at pulisya sa loob ng stall dahil nagbanta ang suspek na papatayin ang asawa kung papasukin sila.
Gayunman, isang kaanak ng suspek ang nagpumilit na buksan ang stall hanggang sa hindi na marinig ang panaghoy ng ginang. Duon na sinubukang makipagnegosasyon ng mga pulis sa suspek na sumuko.
Walang galos na nailigtas ang tatlong gulang na anak ng mag-asawa na ngayon ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Matapos na lumabas sa stall ang suspek ay tumambad na sa mga awtoridad ang walang buhay na asawa nito.
Ayon kay Miguel, selos ang nagtulak sa kaniya para gawin ang krimen dahil malimit umanong may ka-text ang misis.
“Panay siya text, nawala ako sa sarili,” ayon sa suspek.