INILUNSAD ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) kasabay ng paggunita sa ika-124 na taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 2022 ang bagong commemorative stamps upang markahan ang ika-150 anibersaryo ng pagiging martir nina Padre Mariano Gomes, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, na kilala bilang GomBurZa.
“The stamps illustrate the sacrifices and heroism of Fathers Gomes, Burgos and Zamora who gave their lives for freedom,” sabi ni Postmaster General Norman Fulgencio .
Kilala sa kasaysayan bilang GomBurZa, nagsilbing inspirasyon din ito para sa makasaysayang obra ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, ang El Filibusterismo.
Noong Pebrero 17, 1872, napatunayang nagkasala ng pagtataksil sa korte militar ng Espanya ang tatlong sekular na pari na sina Burgos, Gomes at Zamora, bilang mga pasimuno ng isang pag-aalsa sa bakuran ng hukbong-dagat ng Cavite at sinentensiyahan ng public execution sa pamamagitan ng garrote sa pareho ding taon.
Ang paggunita ng Araw ng Kalayaan ngayong taong ito ay may temang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas (Rise Towards the Challenge of a New Beginning).”
Itinuturing na pambansang holiday ng mga Pilipino, ang taunang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ay nilagdaan bilang batas ni dating Pangulong Diosdado Macapagal sa pamamagitan ng Republic Act No. 4166 noong Agosto 4, 1964.
Ayon sa kasaysayan ng Pilipinas, ang deklarasyon ng Kalayaan mula sa kolonyal na pamumuno ng mga Kastila ay idinaos noong Hunyo 12, 1898 ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Cavite El Viejo (Kawit), Cavite.
Ang Post Office in-house graphic artist na si Israel Viyo ang nagdisenyo ng commemorative stamp, na ibebenta sa P12 bawat piraso.
Ang mga Selyo at Opisyal na First Day Cover ay makukuha simula Hunyo 13 sa Philatelic Counter, Manila Central Post Office. Para sa mga katanungan, mangyaring tumawag sa 8527-01-08 o 8527-01-32 o sundan/i-like ang Facebook page, https://www.facebook.com/PilipinasPhilately/ para sa mga update.