KALABOSO ang magiging tahanan ng tatlong lalaki na wanted sa kasong bigong pagpatay or “frustrated murder,” kabilang ang Number 1 Most Wanted na miyembro ng “Legaspi Drug Group,” matapos maaresto ang mga ito sa magkaka-hiwalay na operasyon ng pulisya sa Navotas City.
Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-1:05 ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Sub-Station 3 (SS3) sa joint manhunt operation si Rolly Noquilla, 24 anyos, sa kanyang bahay sa 160 Baron St., (Old fishport), Brgy. NBBN, Navotas City.
Bago kay Noquilla, naunang nadakip ng mga tauhan ng WSS at SS3 sa nasabing operasyon si John Angelo Donato, 23 anyos, isang stock clerk, malapit sa kanyang bahay sa Baron St., (Old fishport), Brgy. NBBN, Navotas City dakong alas-11:15 ng umaga.
Ang dalawang akusado ay kapwa inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Carlos Flores ng Regional Trial Court (RTC) Branch 73, Malabon City, para sa parehong kasong Frustrated Murder.
Samantala, sinilbihan naman ng pulisya si Roberto Huelba alyas “Kevin Huelba/Mucho,” 25 anyos, Number 1 MWP at miyembro ng “Legaspi Drug Group” ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ronald Que Torrijos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 288, Navotas City para sa kasong Frustrated Murder na may inirekomendang piyansa na P200,000.
Si Huelba ay naaresto ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Luis Rufo Jr., sa buy-bust operation sa Judge Roldan, Brgy. San Roque dakong alas-12:20 ng Biyernes ng madaling araw at nakuha sa kanya ang mahigit P631,000 halaga ng illegal na droga, baril at granada.