Lalaking may bitbit na baril, binitbit ng pulis sa Malabon City

Share this information:

ARESTADO ang isang lalaki matapos itong mahulihan na may bitbit na baril habang pagala-gala sa isang lansangan sa Malabon City.

Kinilala ang lalaki bilang si Roel Hersano, 40 anyos, walang trabaho at residente ng No. 9 VMN Compound, Brgy. Potrero, habang gumagala sa naturang compound bitbit ang isang uri ng baril.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, mismong mga tauhan ng Barangay Information Network (BIN) ng Brgy. Potrero ang tumawag sa kanila upang i-report ang namataan nilang lalaki na kalaunan ay nakilalang si Hersano.

Kaagad namang nagresponde sa sinasabing lugar ang mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Richel Sinel, kasama si P/Lt. Mark Xyrus Santos at kanyang mga tauhan sa Sub-Station 1 kaya’t inabutan pa nila ang suspek na bitbit pa rin ang isang kalibre .38 revolver.

Matapos pagsalikupan ng mga pulis si Hersano, hiningi sa kanya ang lisensiya at permit to carry firearms outside residence para sa dalang baril nito, na naglalaman ng may anim na bala subalit wala siyang maiprisinta.

Dahil dito’y dinakip na siya nina P/Cpl. Christopher Chan at P/Cpl. Christian Benedict Casas para sampahan ng paglabag sa kasong R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.