ARESTADO sa isang buy-bust operation ng Caloocan City police ang dalawang drug suspek, kabilang ang isang listed na High Value Individual (HVI), matapos mahulihan ang mga ito ng shabu na nagkakahalaga ng halos P.4 milyon.
Ang mga naarestong suspek ay kinilala bilang sina Arjay Borja, 26, (HVI) at Abegail Torres alyas “Abby,” 25, kapwa naninirahan sa Brgy. 120, Caloocan City, ayon kay PLt. Col. Renato Castillo, hepe ng District Drug Enforcement Unit-Northern Police District (DDEU-NPD).
Sa ulat ni Castillo kay NPD acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr., dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna PSMSgt. Michael Tagubilin ng buy-bust operation sa Josefina Street 3rd Avenue, Brgy. 120, Caloocan City kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P6,500 halaga ng droga.
Kaagad inaresto ng mga operatiba ang mga suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa police poseur-buyer kapalit ng isang medium size plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 55 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P374,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill, 4 pirasong P500 at 4 pirasong P1,000 boodle money.
Ayon kay PCpl. Elouiza Andrea Dizon, kasong paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 ( Possession of Dangerous Drugs) ng Article II of R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa nila sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutors Office.