INAASAHAN ng gobyerno na mabakunahan kontra COVID-19 ang lahat ng mga manggagawa sa sektor ng turismo bago matapos ang taon.
Ito ang napagkasunduan ng gabinete at COVID-19 task force officials sa ginanap na ceremonial vaccination para sa mga tourism industry workers na ginanap sa Cebu noong Biyernes.
“When the pandemic struck, the nation’s tourism sector took a major hit. We believe that in order for the industry to get back on its feet and safely open our economy, we need to vaccinate as many members of our workforce as possible,” ayon kay National Task Force against COVID 19 Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr.
Ayon sa mga datos, nasa mahigit limang milyong indibidwal ang mga nagta-trabaho sa sektor ng turismo sa bansa.
Ipinaliwanag ni Galvez kung bakit mahalaga na mabakunahan ang mga tourism worker lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga major tourist destination sa bansa katulad ng Cebu.
Dagdag pa ni Galvez, 50 percent ng mga tourism worker sa nasabing probinsiya ay nabakunahan na.
Ayon naman kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, nilalayon ng kanilang ahensya na mabakunahan ang 99 percent ng tourism workers sa Cebu bago ang Kapaskuhan.
Handang maglaan ang NTF ng mga bakuna para sa mga manggagawa sa nasabing sektor, ayon kay Romulo-Puyat. Inaprubahan na ni Galvez ang alokasyon ng 20,000 doses ng bakuna kada linggo para sa mga tourism worker, sabi pa ng DOT head.
Hindi lamang ang mga nagtatrabaho sa hotel at resort ang maaaring makinabang sa mga bakunang ito, kundi pati na rin ang mga nagtatrabaho sa restaurant, airport at ibang nasa informal economy na nagnenegosyo sa mga tourist destination.
“These will cover everybody that tourists come in contact with,” pahayag ni Romulo-Puyat.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksyon sa mga manggagawa sa Cebu kontra COVID-19, mas magkakaroon ang mga ito ng kumpiyansa na bumalik sa kanilang mga trabaho at dahil dito, maaaring maengganyo ang mga tourism operator na taasan ang operational capacity na maaaring magresulta ng muling pagkabuhay ng ekonomiya sa probinsya ng Cebu, ayon kay Galvez.
Ipinahayag ni Galvez na mula sa kabuuang 20 milyong doses na natanggap ng pamahalaan ngayong buwan ng Setyembre, 317,144 doses dito ay mapupunta sa lalawigan ng Cebu, 60,960 doses para sa lungsod ng Cebu, 40,220 doses para sa Mandaue at 29,310 doses naman sa lungsod ng Lapu-lapu.
Mayroon nang naitabing buffer supply na 46,990 doses para sa probinsiya ng Cebu.
Dapat umanong magdoble-kayod ang mga implementing unit ng probinsiya dahil nadagdagan na ang mga vaccination program sa mga lugar sa Cebu.
Maaaring maisakatuparan ang layuning mabakunahan ang lahat ng mga tourism worker kung magtutulungan ang national government, local government units at ang private sector, ayon naman kay NTF Deputy Chief Implementer and testing czar Secretary Vivencio Dizon.
“Sa Cebu pinakita ang value ng public-private partnership. This pandemic has shown that when the private sector works with the government and the government opens its arms to the assistance of the private sector, things will happen and it will happen fast,” pahayag ni Dizon.
Sa kabilang banda, kinumpirma naman ni Hotel Resort and Restaurant Association of Cebu President Alfred Reyes na handa silang tumulong sa layunin ng pamahalaan na mabakunahan ang 100 percent ng mga manggagawa sa sektor ng turismo.
“Restarting the industry relies on the success of the COVID-19 vaccination campaign which requires individual voluntary participation to reduce the risk of both host and visitors,” ayon kay Reyes.
Iniengganyo rin ni Reyes ang mga manggagawa na magpabakuna dahil ito umano ay isa sa mga susi upang mabuhay muli ang domestic at international tourism.
(PHOTO CREDIT: Sugbo.ph)