ISASARA ang mga pribado at pampublikong sementeryo at kolumbaryo sa Maynila simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Ito ang nakasaad sa nilagdaang Executive Order No. 33 ni Manila Mayor Francisco Domagoso.
Kabilang sa mga isasarang sementeryo ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, at Manila Muslim Cemetery.
Pansamantala rin na isasara sa publiko ang mga kolumbaryo ngayong darating na panahon ng Undas.
Layon ng nasabing kautusan na maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa sementeryo na dadalaw sa kani-kanilang yumaong mga mahal sa buhay.
Sa nasabing kautusan, ang libing at cremation ay papayagan naman sa nasabing mga petsa ngunit kailangan ay walang kaugnayan sa COVID-19.
Kailangan ding tumalima sa umiiral na minimum health protocols partikular na ang social distancing.
“The Directors of the Manila Cemeteries, with the assistance of the Manila Police District, the Manila Health Department, the Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, and the Department of Public Services are directed to ensure compliance and implementation of this Order,” saad sa nasabing kautusan.
Babala naman ng alkalde na maaring matanggalan ng mayor at business permit ang hindi makasusunod sa nasabing EO.
(PHOTO CREDIT: pna.gov.ph)