Mga pulis sa Quiapo, sinibak ng MPD

Share this information:

SINIBAK na ng Manila Police District (MPD) ang 19 pulis ng Carlos Palanca Police Commmunity Precint (PCP) dahil sa umano’y kapabayaan ng mga ito sa patuloy na pangongotong sa mga jeepney drivers sa lugar ng Quiapo sa lungsod ng Maynila.

Kasama sa mga ni-relieve ni MPD Director Brig. Gen. Leo Francisco ang hepe ng Carlos Palanca PCP na si PMaj. Bernardino Diaz Venturina.

Ang ginawang hakbang ni Francisco ay tugon sa kahilingan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ng MPD ang sumbong ng mga jeepney drivers at UV Express hinggil sa pangongotong ng mga barkers ng halagang P10 kada biyahe.

Ayon kay Francisco, agad nitong ipinag-utos ng magsagawa ng validation at napag-alaman na wala namang tinatanggap ang PCP.

Gayunman, dahil nasa hurisdiksyon ng nasabing PCP ang insidente ng kotongan at hindi nila nasawata kaya agad sinibak ang mga pulis.

Pansamantala namang ipinalit kay Venturina bilang OIC si PLt. Eric Casuncad at dalawang team o 14 na pulis mula sa DMFB o District Mobile Force Battalion ang ipinalit sa mga sinibak na pulis.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.