Pagdami ng COVID-19 patients sa Ospital ng Sampaloc, inaksiyunan na

Share this information:

GUMAWA na ng mga kaukulang hakbang ang pamunuan ng Ospital ng Maynila matapos ang paglaki ng bilang ng mga pasyente ng COVID-19 dito.

Ayon kay Dr Aileen Lacsamana, Medical Director ng ospital, dinagdagan na nila ang mga kama sa COVID emergency room para matugunan ang pangangailangang medikal ng mga papasok na pasyente na may COVID at agad silang mabigyan ng pangunang atensyon.

Batay sa datos na inilabas ng Manila Health Department (MHD), 34 na ang pasyente sa ospital na may 30 bed capacity lamang para sa mga tinamaan ng COVID.

Dagdag pa ni Lacsamana, nirepaso na rin ang  patakaran para agad na makapag-desisyon kung ang pasyente na may sintomas ay hindi kailangan maospital at dapat dalhin sa Manila COVID 19 Field Hospital.

Bukod dito, inihayag ni Lacsamana na binuksan na rin nila ang bagong ICU ng ospital  para sa mga naka-admit na pasyente na nakararanas ng matinding sintomas.

Gumawa rin ng quarantine room sa loob ng ospital na may10 kama para sa mga tauhan nito na tatamaan ng COVID-19 na asymptomatic at makararanas ng mild na sintomas.

Ayon pa din sa datos ng MHD, nasa 59 percent na okupado na ang mga pasilidad para sa COVID-19 ng anim na ospital na nasa pangangasiwa ng lungsod ng Maynila.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.