Mga pulis sa Maynila, inatasang higpitan pa ang pagbabantay sa lungsod sa gitna ng SONA

Share this information:

IPINAG-UTOS ni Manila Police District (MPD) Director Police Brig General Leo Francisco sa lahat ng station commanders sa kanilang nasasakupan na higpitan pa ang pagbabantay  sa iba’t-ibang sulok ng lungsod ng Maynila.

Ito ay sa gitna na rin ng posibilidad na may masasamang elemento na magnanais magsamantala sa atensiyong ibinibigay ng mga awtoridad sa magaganap na State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ayon kay Francisco, partikular na babantayan at patuloy ang pagpapatrulya ang mga pulis sa mga lugar na matatao at dinarayo tulad ng Divisoria, Sta Cruz, at Quiapo

Hinimok rin naman ng pulisya ang publiko na laging mag-iingat sa mga aktibidad upang maiwasang mabiktima ng mga kawatan.

Hinihikayat rin ng heneral na agad isumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o kahit sa barangay ang anumang insidente ng krimen para mabilis na makatugon ang mga awtoridad.

Tiniyak ng hepe ng MPD na kahit malaking puwersa nila ang nakabantay sa Mabuhay Rotonda, Mendiola, Liwasang Bonifacio, US Embassy at ilan pang nakakalat na checkpoint, may sapat silang puwersa na nagpapatrulya at handang tumugon sa anumang sumbong.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.