Sinuspinde na rin ng mga simbahan sa lungsod ng Maynila ang pagdaraos ng public masses simula ngayong araw, Marso 22, bilang pagtalima sa ipinalabas na bagong protocol ng pamahalaan hinggil sa physical distancing dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon.
Sa halip na magkaroon ng public masses, magkakaroon na lamang muna ng virtual masses na naka-live stream sa Facebook upang makalahok pa rin ang mga residente ng lungsod habang nasa kanilang mga tahanan, lalo na ngayong nalalapit na ang Mahal na Araw.
Nauna rito, naglabas ng Resolution No. 104 ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases, kung saan nakasaad na ang lahat ng mass gatherings, kabilang na ang mga relihiyosong pagtitipon, ay mahigpit na ipinagbabawal simula Marso 22 hanggang sa Abril 4, 2021.
Kabilang sa mga simbahan na nag-anunsiyo na ng pagtalima sa naturang kautusan ay ang Manila Cathedral, Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, Santo Niño de Tondo Parish, Santo Niño de Pandacan Parish, San Sebastian Church at San Agustin Church sa Intramuros.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) director Charlie Duñgo si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo dahil sa pagsunod sa mga protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Nagpahayag pa siya ng kalungkutan dahil pangalawang taon na aniya itong hindi nagagawa ng mga mamamayan ang mga nakaugaliang tradisyon tuwing Mahal na Araw.

